15 May 2008...8:50 am
KL: Seven-Day Racing, No More Na!
KARERA LANG! By Jenny Ortuoste for Tumbok, 15 May 2008, Thursday
Seven-Day Racing, No More Na!
Humiling kamakailan ang management ng Manila Jockey Club (MJC) ng pahintulot sa Philippine Racing Commission (Philracom) na mapa-extend ang seven-day-racing schedule sa San Lazaro Leisure Park (SLLP) racetrack ng MJC ng dalawa pang buwan.
Natapos ang unang experimento ng seven-day racing noong huling raceweek sa SLLP.
Ayon sa MJC, malinaw raw na may mga magandang resulta ang seven-day racing. Nagkaroon daw ng lugar ang mga trainers at owners na dumiskarte o magpa-schedule ng kanilang mga takbo; tumaas raw ang benta; lumaki raw ang field size sa mga karera; at pabor sa mga mananaya na mas maaga silang nakakauwi tuwing Sabado at Linggo dahil bawas ang number of races sa mga araw na iyon (siyam, imbes iyong dating trese).
Sagot ng Philracom? ”Denied”. Tinanggihan ng ahensiya na i-extend pa ang seven-day-racing schedule sa SLLP hangga’t hindi pa sila nakakagawa ng sarili nilang pagsusuri.
Mas mabuti nga kung gagawa ng sariling survey at analysis ang Philracom dahil mahirap tumanggap ng mga statements na walang konkretong basehan.
Una, sa parte ng ilang owners at trainers: hindi raw “significant” sa kanila ang seven-day racing sa pagdiskarte dahil kahit six-days racing schedule, nakakagawa pa rin naman sila ng schedule na gusto nila. Ayaw pa nga nila ng buong linggong karera dahil paano raw mame-maintain ng ayos ang pista ng SLLP kung bugbog ito sa takbo araw-araw? May ensayo pa!
Pangalawa: bagamat tumaas nga ang benta ng MJC noong April 2008 (P373 million) kumpara sa March 2008 (P332 million), mas mababa pa ito sa kinita nila noong April 2007 (P387 million) at March 2007 (417 million).
Ikatlo: Lumaki ngang bigla ang field size noong umpisa ng seven-day racing, ngunit noong huli ay nag-”taper off” o bumalik na rin sa dati ang bilang ng sumasali sa bawat karera. At maaring may ibang dahilan sa paglaki ng field size - dahil sa nalalapit na paglipat ng Santa Ana Park sa Makati sa bago nitong karerahan sa Cavite, may ilang horseowners na ang naglipat ng kanilang kuwadra mula Makati sa SLLP.
Facade of the SLLP Casino; inside, wide glass windows overlook the racetrack at “Asia’s First Racino”.
Ikaapat: Mainam nga na mas maagang nakakauwi ang mga mananaya pag siyam na karera pag weekend; ngunit, nami-miss ng karamihan ang dalawang Winner-Take-All sets na mayroon kapag trese ang karera. Baka kaya hindi rin umangat ang benta ng MJC nitong March at April kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, dahil nawala ang weekend WTA?
Ang nangyari pa nga nitong kasalukuyang raceweek ng MJC (May 13-18 ) na balik sa six-day racing, ay lumaki ang field size para sa karera ng Martes at Miyerkoles!
Ayon pa sa ilang raceday empleyado ng MJC, ayaw nga nila mismo ng seven-day racing dahil pareho lang o nabawasan pa raw ang kanilang net income! Pagod pa sila dahil pitong araw deretso ang trabaho kumpara sa dating anim.
Sa palagay ng ilan, kaya raw gusto ng MJC na matuloy ang seven-day racing ay para tauhin ang kanilang casino sa SLLP Turf Club. Napuna raw kasi ng mga taga-casino na mas dumarami ang mga players kapag araw ng karera.
Sa madaling salita - malamang daw na ang kagustuhan ng MJC na magkaroon ng seven-day racing schedule ay hindi para sa kapakanan ng karera o karerista, kundi para sa patuloy na profitability ng iba pang negosyo ng MJC sa SLLP Turf Club, tulad ng casino, restaurants, at function rooms.
Ito nga ba kaya ang dahilan?
Karera lang - walang personalan! ***



















Leave a Reply